--Ads--

Umabot na sa 60,394 pamilya o katumbas ng 215,074 indibidwal mula sa 538 barangay sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, at Pangasinan ang naapektuhan ng epekto ng Habagat at tuloy-tuloy na pag-ulan sa Region 1.

Ayon kay Freddie C. Evangelista, Information Officer ng Office of Civil Defense (OCD) Region 1, isinailalim na sa Red Alert status ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) dahil sa patuloy na panganib ng pagbaha at iba pang kalamidad.

Sa kasalukuyan, nakararanas ng pagbaha ang apat na lalawigan sa rehiyon, kung saan pinakamalawak ang epekto sa Pangasinan bunsod ng matinding pag-ulan at malaking volume ng tubig.

Batay sa tala ng OCD Region 1, nakapagtala na ng 63 insidente ng pagbaha, lima ang landslide at isa ang falling debris incident. Sa mga naitalang pagbaha, 41 na ang humupa.

--Ads--

Mayroon ding dalawang naitalang casualty sa rehiyon, kabilang ang isang sugatan sa Ilocos Sur at isang indibidwal na nawawala. Patuloy naman ang beripikasyon sa iba pang ulat sa pakikipagtulungan sa Department of the Interior and Local Government (DILG), kabilang ang isang insidente sa Alaminos City, Pangasinan.

Samantala, tuloy-tuloy ang koordinasyon ng RDRRMC sa mga lokal na pamahalaan upang matukoy ang kinakailangang tulong at mapabilis ang pagtugon sa mga apektadong residente.

Pinayuhan naman ng OCD Region 1 ang publiko na manatiling mapagmatyag at subaybayan ang mga opisyal na abiso kaugnay ng lagay ng panahon at mga posibleng panganib.