Inamin ng pamahalaang barangay ng Rosario, Santiago City ang ulat tungkol sa paniningil ng ilang indibidwal ng parking fee sa gilid ng kalsada sa tabi ng Southern Isabela Medical Center (SIMC).
Ipinarating ito ng ilang concerned citizen sa ipa-Bombo segment ng Bombo Radyo Cauayan dahil sa kanilang pananaw na hindi ito otorisado, sapagkat pampublikong lugar ang pinaparadahan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Judy Balberan ng Brgy. Rosario, sinabi niya na marami na ang nag-uulat na may naniningil ng P20 na parking fee sa gilid ng ospital, pangunahin sa sidewalk. Nagsimula umano ito noong nakaraang taon matapos ipatupad ang “no parking” sa Zamora Street.
Dahil wala pang ordinansa na nagbabawal sa pag-park sa Recto Avenue, Quirino Avenue, Del Pilar Avenue, at Rizal Avenue, doon na umano nagpaparada ang mga empleyado ng ospital, at sinamantala ito ng ilang residente upang maningil ng P20 parking fee.
Sa kasalukuyan, limitado ang magagawa ng lokal na pamahalaan dahil wala pang umiiral na ordinansa na nagbabawal sa naturang paniningil.
Pinuntahan na aniya ng mga opisyal ng barangay ang lugar upang beripikahin ang ulat, ngunit wala pa umanong umaming naniningil ng P20 parking fee.
Binatikos naman ni Balberan ang mga empleyadong nagpaparada sa gilid ng kalsada at mas pinipiling magbayad ng parking fee kaysa mapilitang magpark sa no parking zone at ma-clamp ang kanilang sasakyan.
Tiniyak ni Balberan na patuloy nilang imomonitor ang lugar upang matigil ang paniningil at makikipag-ugnayan din sa pamunuan ng ospital para maayos ang parking space para sa mga empleyado at mamamayan na nagtutungo sa pagamutan.
Aniya, nagdudulot ang pagparada sa gilid ng kalsada ng pagsisikip ng trapiko sa paligid ng ospital, lalo na tuwing peak hours, na nakaaapekto sa mga emergency vehicles at pasyente na kailangang makapasok agad sa pagamutan.
Kabilang sa plano ng barangay ang pagtalakay sa ospital at lokal na pamahalaan upang magkaroon ng ordinansa at mas maayos na sistema ng parking, na makakaiwas sa kalituhan at trapikong dulot ng hindi awtorisadong parking at paniningil.











