Nasawi ang dalawang magpinsan sa salpukan ng SUV at motorsiklo sa Sitio Kasisiitan, Minanga, San Mariano Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSMS Rogelio Ignacio Jr., Senior Investigator ng San Mariano Police Station, sinabi nito na batay sa insyal na pagsisiyasat, galing sa barangay Dibuluan, San Mariano ang Montero Sport na minamaneho ni Mark isang Guro sa Echague, Isabela at palabas na sana ng San Mariano habang patungo naman sa kasalungat na direksyon ang Honda XRM 125 na kinalululanan ng mag-pinsang sina Julius Santos at Christian Santos, kapwa 18-anyos at residente ng Dibuluan, San Mariano.
Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente partikular sa pakurba at pababang bahagi ng daan ay napunta umano sa linya ng SUV ang motorsiklo na nagresulta sa banggaan.
Nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ang dalawang lulan ng motorsiklo. Sinubukan pang irevive ang mga ito subalit binawian din ng buhay.
Napag-alaman na nagtungo lamang ang tsuper ng SUV sa San Mariano kasama ang apat na estudyante para kapanayamin ang ilang mga agta para sa kanilang pag-aaral.
Hindi naman na magsasampa ng kaso ang pamilya ng mga biktima at napagkasunduang sagutin na lamang ng tsuper ng SUV ang lahat ng gastusin.










