Naghahanda ang ilang mga jeepney driver sa Lungsod ng Cauayan kasunod ng inaasahang malakihang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ngayong araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jojo, isa sa mga jeepney driver sa lungsod,sinabi niyang tapos na ang contingency plan na kanilang inihanda katuwang ang iba’t ibang mga tricycle, mga jeepney driver lungsod, kung saan hinati-hati sa bawat grupo ang ba-byahe.
Ayon sa kanya, sa kanilang toda kasi ngayon ay binubuo ito ng dalawang grupo. Ito ay ang Group A at Group B.
Ipinaliwanag niya na kapag Group A ang nakatakdang bumiyahe sa isang araw, may mga pagkakataon na may ilang driver mula sa Group B na tumutulong o sumasabay sa pamamasada. Gayunman, sa ilalim ng kanilang planadong contingency plan, kapag Group A lamang ang nakatalaga sa araw na iyon ay magiging mahigpit ang pagpapatupad at hindi na papayagang bumiyahe ang ibang driver na hindi kabilang sa nakatakdang grupo.
Ayon pa kay Jojo, sa ganitong paraan ay kahit papaano ay nabibigyan ng pagkakataon ang mga driver na makabawi o makahinga sa pamamasada, lalo na ngayon na hirap din silang kumita dahil kakaunti ang mga pasahero.
Dagdag pa niya, isa rin sa malaking pasanin ng mga jeepney driver ay ang pag-iipon para sa maintenance ng kanilang mga sasakyan. Aniya, sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at sa nakaambang dagdag-presyo pa nito sa mga susunod na araw, lalo lamang na mahihirapan ang mga driver na umaasa lamang sa pamamasada para sa kanilang kabuhayan.
Isa pa sa kanilang hinaing ay ang hindi pa pagtaas ng pamasahe, lalo na’t wala pang inilalabas na direktiba ang pamahalaan hinggil dito. Ayon sa kanila, kung kinakailangan ay nais din sana nilang magtaas ng pamasahe upang makasabay sa pagtaas ng gastusin. Subalit hangga’t walang opisyal na pahintulot mula sa gobyerno ay hindi nila ito gagawin dahil sila rin ang maaaring maparusahan o mapahamak.










