Tiniyak ng Department of Agriculture na makakatanggap ng fuel subsidy ang mga magsasaka at mangingisda ngayong buwan ng Marso.
Ito ang inihayag ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa nitong Miyerkules. Aniya, magsisimulang ipamahagi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering (BAFE) ang subsidiya sa mga susunod na linggo.
Makakatanggap ang mga eligible na mangingisda ng P3,000 mula sa BFAR, habang ang mga rehistradong magsasaka sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) na nagmamay-ari o nagrerenta ng mga makinarya ay makakatanggap ng P5,000 mula sa BAFE.
Dagdag pa ni De Mesa, hihilingin ng DA ang agarang pag-release ng natitirang P50 milyon mula sa Department of Budget and Management, sa halip na hintayin pang maubos ang P100 milyong nakalaang budget. Sa hakbang na ito, tinatayang aabot sa halos 15,000 magsasaka at 23,800 mangingisda sa buong bansa ang makikinabang.
Bukod dito, naghahanap ang DA ng karagdagang mapagkukunan upang mapalawak pa ang bilang ng mga benepisyaryo, kabilang na ang paggamit ng hindi pa nagamit na pondo sa fuel subsidy na kasalukuyang nasa Development Bank of the Philippines.
Sa mga susunod na linggo, sisimulan na ang pag-release ng mga vouchers at cards upang mabilis na maipamahagi ang subsidiya sa mga kwalipikadong magsasaka at mangingisda.










