--Ads--

Nakiisa ang mga kawani ng lokal na pamahalaan sa isinagawang 1st Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) nitong Marso 12, bilang bahagi ng patuloy na paghahanda ng pamahalaan sa posibleng pagyanig ng lindol.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Julius Agustin, Local Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Santiago City, sinabi nito na layunin ng aktibidad na masanay ang mga empleyado ng pamahalaan sa tamang pagtugon at paglikas sakaling tumama ang lindol.

‎Ayon kay Agustin, isinagawa sa drill ang duck, cover and hold na bahagi ng paunang hakbang kapag may lindol, kasunod ang maayos na paglikas ng mga empleyado mula sa kanilang mga opisina patungo sa itinalagang evacuation area.

‎Bukod sa evacuation drill, isinagawa rin ang aktwal na simulation ng rescue operation kung saan ipinakita ang tamang paraan ng pagresponde at pagrescue sa mga sinasabing nasugatan o na-trap sa isang gusali matapos ang senaryo ng lindol.

--Ads--

‎Agad na rumesponde ang mga rescuers upang ligtas na mailikas ang mga biktima at mabigyan ng paunang lunas.

‎Pinangunahan ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO) ang nasabing aktibidad katuwang ang City Health Office, Bureau of Fire Protection, Santiago City Police Office, at Philippine Red Cross–Santiago Chapter na nagsilbing katuwang sa pagsasagawa ng drill, rescue simulation, at pagbibigay ng paunang lunas sa mga kalahok.

‎Dagdag pa ng opisyal na mahalaga ang pagsasagawa ng ganitong mga drill upang mapalakas ang kahandaan ng mga kawani ng pamahalaan at ng komunidad sa oras ng sakuna, lalo na sa mga lindol na maaaring mangyari anumang oras.

‎Binigyang-diin din ni Agustin na sa pamamagitan ng regular na pagsasanay tulad ng Nationwide Simultaneous Earthquake Drill ay natututo ang mga kalahok ng tamang hakbang sa pagprotekta sa sarili at kung paano makakatulong sa iba sa oras ng emergency.