Nasawi ang apat na tao matapos atakihin ng Israeli forces ang ilang lugar sa timog Lebanon, ayon sa ulat ng Lebanese state media at pamahalaan.
Ayon sa National News Agency (NNA) ng Lebanon, binomba ng Israeli forces ang isang apartment sa residential building sa hilagang distrito ng coastal city ng Sidon, na ikinasawi ng isang tao at nagdulot ng sunog.
Samantala, tatlo pa ang nasawi sa village ng al-Qatrani, sa timog-silangan ng Sidon, ayon sa Ministry of Health ng Lebanon.
Kasabay nito, iniulat ng Israeli military na patuloy nilang tinatarget ang mga infrastruktura at “launch sites” ng grupong Hezbollah sa al-Qatrani, kung saan umano ay naghahanda itong maglunsad ng missile. Sinabi rin nila na nawasak ang ilang “command centres” ng Hezbollah Radwan Force sa Beirut.
Naglabas ang Israeli army ng agarang evacuation orders para sa ilang kabahayan sa Lebanon, kabilang ang mga lugar ng Haret Hreik, Ghobeiry, Laylaki, Hadath, Burj al-Barajneh, Tahwitat al-Ghadir, at Shiyah, at pinayuhan ang mga residente na iwan ang kanilang tahanan at huwag bumalik hanggang sa karagdagang abiso.
Ayon sa Lebanon’s Health Ministry, umabot na sa 826 ang nasawi sa bansa mula nang magsimula ang kasalukuyang digmaan noong Marso 2. Samantala, sinabi ng Hezbollah na patuloy nilang tinatarget ang ilang posisyon ng tropang Israeli sa mga village malapit sa border.
Ang kasalukuyang labanan ay bahagi ng ikalawang front ng Israel sa Middle East, kung saan kasabay ng air campaign laban sa Iran, tinatarget nito ang grupo ng Hezbollah sa timog Lebanon.





