Inatasan ni PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga hepe ng lokal na pulisya na ihanda ang kanilang mga sasakyan para sa programang “Libreng Sakay” upang matulungan ang mga commuter na maaapektuhan ng transport strike sa Huwebes, March 19.
Pinagbilinan din ang mga opisyal na tukuyin ang mga pangunahing ruta kung saan maaaring i-deploy ang mga sasakyan, at makipag-ugnayan sa mga organizer ng strike upang masiguro ang maayos at mapayapang pagdaraos nito.
Nauna nang nag-anunsyo ang transport group na PISTON ng nationwide transport strike bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na inuugnay sa tensyon sa Middle East.
Ayon kay Nartatez, nauunawaan niya ang hinaing ng sektor ng pampublikong transportasyon, ngunit umaasa siyang muling pag-isipan ng mga ito ang planong tigil-pasada dahil hindi ito ang angkop na panahon.
Sa kabila nito, tiniyak ng PNP na handa silang panatilihin ang kapayapaan at kaayusan, at tumulong sa mga pasaherong bibiyahe.











