--Ads--

Opisyal nang inilunsad at pinalawak sa lalawigan ng Isabela ang programang “Benteng Bigas Meron Na” ng pamahalaan na naglalayong makapagbigay ng abot-kayang bigas sa mga sektor na higit na nangangailangan.

Ayon kay Genevieve Valecaria-Guevarra, Assistant Secretary for Agribusiness, Marketing and Consumer Affairs ng Department of Agriculture, sinabi nito na siya ay ipinadala ng kalihim ng ahensya na si Francisco Tiu Laurel Jr. upang pangunahan ang pagpapasinaya ng naturang programa sa lalawigan.

Ayon kay Guevarra, ang Isabela ang kauna-unahang probinsya sa Region 2 na nagpatuloy at nagpalawak ng implementasyon ng “Benteng Bigas Meron Na,” kung saan unang nakinabang ang ilang barangay sa bayan ng Burgos, kabilang ang Barangay Katabaan.

Paliwanag ng opisyal, ang programa ay flagship initiative ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. na naglalayong makapagbenta ng subsidized na bigas sa halagang 20 piso kada kilo.

--Ads--

Aniya, ang mga bigas ay nagmumula sa National Food Authority (NFA) at ipinapamahagi sa pamamagitan ng Food Terminal Incorporated sa mga Kadiwa stores, katuwang ang mga lokal na pamahalaan at iba pang organisasyon.

Nilinaw ni ASEC. Guevarra na hindi lahat ay maaaring makabili ng benteng bigas dahil prayoridad ang mga tinatawag na vulnerable sectors tulad ng senior citizens, persons with disabilities (PWDs), solo parents at mga benepisyaryo ng 4Ps.

Dagdag pa rito, pinalawak na rin ang saklaw ng programa upang isama ang mga tsuper ng tricycle at jeep, minimum wage earners, magsasaka, mangingisda, at maging mga guro ng Department of Education.

Ipinaliwanag din ng opisyal na kinakailangang magparehistro ang mga benepisyaryo at magkaroon ng QR code na magsisilbing pagkakakilanlan upang makabili ng bigas sa mga itinalagang distribution points.

Aminado si Guevarra na inaasahan ang pagdami ng mga bibili at posibleng pila, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Gayunman, tiniyak nito na layunin ng programa na maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng pagkain at makatulong sa mga mamamayang higit na nangangailangan.

Binigyang-diin din ng Department of Agriculture na sa bawat pagbili ng benteng bigas ay nakatutulong din ang publiko sa mga lokal na magsasaka, dahil nabibigyan ng pagkakataon ang NFA na makabili ng kanilang ani at maipamahagi ito sa pamamagitan ng programa.