Nagpaabot ng pakikiramay ang pamunuan ng Cauayan City Stand Alone Senior High School (CCSASH) sa pamilya ng isang Senior High School student na nasawi matapos itong malunod sa bahagi ng Cagayan River na sakop ng Carabatan Chica noong Sabado, Marso 14.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay School Principal John Mina ng CCSASH, sinabi nito na personal nilang binisita ang burol ng estudyante kasama ang ilang guro upang ipahayag ang kanilang pakikiramay at suporta sa naulilang pamilya.
Ayon kay Mina, kabilang sa mga hakbang na gagawin ng paaralan ay ang pagbibigay ng tulong pinansyal bilang ambag ng mga guro at pamunuan para sa pamilya ng nasawing mag-aaral.
Nilinaw naman ng punong-guro na walang inilabas na direktiba ang paaralan na magsagawa ng proyekto sa ilog ang mga estudyante, kasunod ng mga katanungan mula sa publiko kung bakit umano pinayagan ang ganitong aktibidad.
Giit ni Principal Mina, malinaw ang naging tagubilin ng guro ng nasabing estudyante na gawin ang kanilang proyekto sa loob lamang ng paaralan o sa kani-kanilang tahanan, lalo na’t mga graduating students ang mga ito.
Binigyang-diin pa ng pamunuan ng CCSASH na hindi nila hinihikayat ang mga mag-aaral na magsagawa ng anumang aktibidad sa mapanganib na lugar tulad ng ilog.
Sa ngayon, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng paaralan sa pamilya ng biktima habang hinihintay ang karagdagang detalye hinggil sa insidente.











