--Ads--

Inaprubahan ng House of Representatives ang kahilingan ng House Committee on Ethics and Privileges na magsagawa ng pagdinig ngayong Marso dise-otso kaugnay ng kontrobersyal na pahayag ni Quezon City 4th District Representative Bong Suntay tungkol sa aktres na si Anne Curtis-Smith. Obligado ring dumalo si Suntay sa naturang pagdinig.

Ang aksyon ng plenaryo ay bunsod ng mosyon ni Committee Chairperson JC Abalos, na humiling na bigyan ng awtoridad ang komite upang agad na iulat ang magiging resulta ng imbestigasyon.

Noong Marso 10, sinimulan ng ethics panel ang pagtalakay sa reklamo laban kay Suntay, na dumalo at binigyan ng 10 araw upang magsumite ng sagot.

Ang reklamo ay nag-ugat sa kanyang pahayag sa isang House panel meeting kung saan sinabi niyang nakaramdam siya ng “desire” nang makita si Curtis sa publiko, at maaari lamang niyang “imagine” ang maaaring mangyari.

--Ads--

Ginamit ni Suntay ang pahayag bilang depensa sa naunang kontrobersyal na komento ni Vice President Sara Duterte tungkol sa “pagputol ng ulo” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Matapos ang matinding batikos, naglabas si Curtis ng pahayag na hindi niya tinanggap ang “non-apology” ni Suntay at nagbabalak siyang kumonsulta ng legal na payo.