Nilinis ng Commission on Elections (Comelec) si Senador Rodante Marcoleta sa anumang election offense kaugnay ng hindi niya pagdedeklara ng ₱75 milyong campaign contributions sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) para sa 2025 senatorial race.
Sa resolusyong inilabas nitong Miyerkules, Marso 18, pinagtibay ng Comelec en banc ang rekomendasyon ng Political Finance and Affairs Department na itigil ang imbestigasyon laban kay Marcoleta dahil sa kakulangan ng ebidensya na magpapatunay na siya ay nakagawa ng election offense.
Gayunman, kinilala sa rekomendasyon na hindi sumunod si Marcoleta sa Section 109 ng Omnibus Election Code, na nag-uutos na ilahad ang mga detalye ng mga donor tulad ng pangalan, address, petsa, at halaga ng kontribusyon sa SOCE.
Ipinaliwanag ng Comelec na ang paglabag sa nasabing probisyon ay hindi na itinuturing na election offense matapos itong ma-decriminalize sa ilalim ng Republic Act 7166.
Samantala, hindi umano saklaw ng parehong jurisprudence ang mga contributor ni Marcoleta, na nabigong magsumite ng kani-kanilang ulat ng kontribusyon. Dahil dito, inaprubahan ng Comelec en banc ang pagsasagawa ng preliminary investigation laban sa mga donor.
Sa panayam, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na kinatigan din ng poll body ang depensa ni Marcoleta na natanggap ang kontribusyon mahigit isang buwan bago magsimula ang campaign period. Ibig sabihin, hindi pa siya itinuturing na kandidato noon at tinanggap ang pera bilang personal na pondo, alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema.
Inamin din ni Garcia na maaaring makaapekto ito sa mandato ng Comelec.
“Aminin po namin na maaaring makapagpahina ito sa aming mandato, dahil maaaring palabasin na ang mga donasyon ay ibinibigay sa panahong hindi pa kandidato ang isang tao,” ani Garcia.
Dagdag pa niya, hindi rin ito maituturing na criminal case, kaya’t umaasa silang matutugunan ang isyu sa pamamagitan ng bagong batas.
Nilagdaan ang resolusyon ng lahat ng pitong komisyoner ng Comelec, habang nag-inhibit si Garcia sa kaso upang maiwasan ang isyu ng pagiging bias dahil sa dati niyang alitan kay Marcoleta.











