--Ads--

Hindi isinasantabi ni House Justice Committee member at Manila Rep. Joel Chua ang posibilidad na mas mapaikli ang pagdinig sa dalawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ang komite ay mayroong 60 session days para talakayin ang apat na reklamo laban sa pangalawang pangulo mula noong nai-refer ito sa komite, Pebrero-23 ng kasalukuyang taon.

Ang dating apat ay kasalukuyan na lamang naging dalawa matapos magdesisyon ang komite na lumabag sa 1-year bar rule ang una habang ang ikalawang reklamo ay tuluyan ding binawi ng mga complainant.

Ayon kay Rep. Chua ang haba ng pagtalakay sa mga reklamo ay dedepende pa rin sa mga ebidensiyang iprepresenta at mga testimoniyang ilalabas, kapwa ng mga complainant at mga respondent.

--Ads--

Posible ring mas mapapadali ang pagtalakay kung pipiliin ng kampo ng pangalawang pangulo na hindi na humarap sa pagdinig.

Ayon kay Chua, malaki ang posibilidad na hindi gugugulin ng komite ang buong 60 session days bago ituloy sa plenaryo ang pagdinig sa dalawang natitirang impeachment complaint laban kay VP Sara.

Una nang nakitaan ng sapat na form, substance, at grounds, ang dalawang natitirang reklamo laban kay VP Sara.

Ayon kay Chua, maraming dapat suriin sa hearing proper na nakatakdang magsimula sa Marso 25.

Maliban sa paglalabas ng sariling ebidensiya at mga testigo ng complainants at ng respondent, tutugunan din ng komite ang mosyon ni Akbayan Rep. Chel Diokno na ilipat ang kustodiya ni Ramil Madriaga, ang detainee na nagpakilalang bagman ni VP Sara.

Nakabinbin din ang mosyon ukol sa pagpapa-subpoena sa ilang dokumento na mahalaga para sa pag-usad ng dalawang reklamo.