Nasa 106 benepisyaryo sa Cauayan City ang napagkalooban ng tulong ng “Walang Gutom” program ng Pamahalaan nitong Biyernes na dinaluhan mismo ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi niya na ang mga benepisyarsyo ay nabigyan ng card na kanilang magagamit upang makakuha ng 3,000 pesos na halaga ng pagkain gaya ng gulay, karne, bigas, at iba pa sa mga accredited associations ng tanggapan.
Ang Walang Gutom program ay isa sa mga pangunahing programa ng Pamahalaan na layong tugunan o ibsan ang kagutuman sa ilang mga lugar sa bansa.
Kabilang ang Isabela sa Pilot implementation ng programa noog nakaraang taon. Kung dati ay sa bayan ng San Mariano lamang ito, ngayon ay nadagdagan na ang mga lugar sa lalawigan na target ng programa, kabilang na rito ang Cauayan City, at mga coastal towns ng Isabela.
Nilinaw naman ni Regional Director Alan na hindi na pwedeng maging benepisyaryo ang mga 4Ps beneficiaries.











