Bumababa ang presyo ng palay sa ilang pangunahing rice production areas ng bansa, habang patuloy namang tumataas ang presyo ng bigas sa palengke, ayon sa Federation of Free Farmers (FFF).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Leonardo Montemayor, chairman ng FFF, sinabi niyang may ilang reports na bumaba ng humigit-kumulang P5 kada kilo ang sariwa o bagong ani na palay. Dati ay nasa P25–P26 kada kilo ang presyo ng palay, ngunit ngayon ay bumababa na sa P20–P21. Ang pagbaba ay naitala sa mga probinsya ng Nueva Ecija at Isabela, dalawang pangunahing sentro ng produksyon ng bigas sa Luzon.
Ayon kay Montemayor, nagdudulot ito ng pagkalito sa parehong magsasaka at mamimili. “Nadidihado ang mga farmer dahil bumababa ang kanilang kita, at sa kabilang banda, nadidihado rin ang consumer dahil nagmamahal ang presyo ng bigas sa palengke,” paliwanag niya.
Idinagdag niya na ginagamit ng ilang trader o buyers ang pagtaas ng presyo ng krudo at gasolina bilang dahilan ng pagbagsak ng presyo sa palay at sabay na pagtaas ng presyo ng bigas.
Nanawagan si Montemayor sa gobyerno na mas maging aktibo sa pamimili ng palay sa pamamagitan ng National Food Authority (NFA) upang mapanatili ang buffer stock at maiwasan ang sobrang pagbaba ng presyo. Gayundin, dapat bantayan ang mga negosyante upang hindi magsamantala sa presyo ng bigas at magtaas ng presyo gamit ang dahilan ng mahal na petrolyo.










