--Ads--

Muling kinalampag ng National Public Transport Coalition (NTPC) ang Pamahalaan hinggil sa mabagal na aksyon at kawalan ng konkretong solusyon sa patuloy na pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay NPTC Convenor Ariel Lim, sinabi niya na walang malinaw na panuntunan o regulasyon ang pamahalaan para sa naturang problema at hindi na lang basta umasa sa ayuda na hindi naman malinaw kung kailan ba maibibigay sa mga apektadong sektor.

Nilinaw niya na nagpapasalamat sila sa mga ayuda na ipagkakaloob ng pamahalaan subalit mas matutuwa aniya sila kung mabibigyang solusyon ang labis na taas ng presyo ng petrolyo upang sila’y kumita.

Nanawagan din si Lim sa Pamahalalan na pag-aralan hindi lamang ang pagtanggal sa excise tax kundi kung paaano mababawasan ang evat ng langis para kahit papaano ay matapyasan ang presyo.

--Ads--

Naiintindihan umano niya na malaki ang mababawas sa kita ng pamahalaan kapag nagkataon subalit sa ngayon, ito na ang nakikita nilang solusyon na makatutulong sa mga mamamayan.

Samantala, kahit walang nakatakdang transport strike sa bansa ay kusang titigil ang mga driver sa pamamasada dahil hindi na nila kayang bumili ng gasolina.