Naniniwala ang isang transport group na hindi pa rin sapat ang ipinatutupad na ₱12 kada litrong fuel subsidy ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay National Public Transport Coalition Convenor Ariel Lim, sinabi nito na bagama’t tumaas ng ₱2 ang fuel subsidy mula sa dating ₱10 kada litro, nananatili pa rin itong kulang dahil dereguladong industriya ang langis at patuloy ang paggalaw ng presyo nito.
Ayon kay Lim, mas makabubuti kung magbibigay pa ng karagdagang suporta ang pamahalaan sa sektor ng transportasyon sa halip na umasa lamang sa mga cash assistance program na hindi naman aniya napapakinabangan ng lahat ng tsuper at operator.
Iginiit nito na mas epektibo kung direktang idaragdag sa fuel subsidy ang pondong inilalaan para sa ayuda upang matiyak na mapupunta ito sa pagbili ng krudo at sa pagpapatuloy ng operasyon ng mga pampasaherong sasakyan.
Aniya, kapag cash assistance ang ipinagkakaloob, may posibilidad na magamit ito sa iba pang gastusin ng mga benepisyaryo sa halip na sa panggatong.
Samantala, sinabi rin ni Lim na posibleng isa sa mga dahilan kung bakit hindi agad inaaprubahan ng gobyerno ang mga panukalang dagdag-pasahe ay ang pangambang maapektuhan ang mga pasahero na hindi pa rin nakatatanggap ng pagtaas sa kanilang sahod.
Dahil dito, naghahanda ang kanilang grupo na magsumite ng panukala sa Department of Transportation (DOTr) para sa isang fare matrix na nakabatay sa galaw ng presyo ng langis. Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng nakatakdang pamasahe tuwing tataas o bababa ang presyo ng petrolyo upang maging mas makatotohanan ang singil sa mga pasahero.
Batay aniya sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mga commuter, marami ang sumusuporta sa naturang sistema dahil magiging mas malinaw at patas ang batayan ng pagbabago sa pamasahe.
Nagpasalamat naman si Lim sa DOTr at LTFRB dahil mas nakikita na umano nila ngayon ang kahandaan ng mga ahensya na pakinggan ang mga mungkahi ng transport sector para sa ikabubuti ng mga tsuper, operator at maging ng mga pasahero.











