--Ads--

Nanawagan ang National Public Transport Coalition sa pamahalaan na tiyaking malinaw, patas at transparent ang pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy o NCAP upang maiwasan ang kalituhan at mga posibleng isyu sa mga motorista.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Ariel Lim, Convenor ng National Public Transport Coalition, sinabi niyang mahalagang malaman muna kung sino ang mangangasiwa sa NCAP kung pamahalaan ba o pribadong kumpanya, at kung saklaw nito ang mga tricycle, e-trike at iba pang uri ng sasakyan.

Aniya, kailangan ding linawin ang mga penalties sa bawat paglabag at ang proseso ng pag-apela ng mga mahuhuling motorista.

Iginiit ni Lim na mas mainam kung pamahalaan ang direktang magpapatupad ng NCAP dahil tungkulin nitong ipatupad ang mga batas trapiko.

--Ads--

Aniya, mahalaga ring maging malinaw kung saan mapupunta ang mga nakokolektang multa at kung sino ang magdedesisyon sa mga reklamong may kaugnayan sa mga paglabag.

Bagama’t suportado nila ang layunin ng NCAP na mapabuti ang kaayusan sa kalsada, sinabi ni Lim na dapat isaalang-alang ang mga sitwasyong napipilitang mag-swerving ang mga motorista dahil sa mga nakahambalang na sasakyan, pedicab, e-trike, ambulansya at iba pang emergency vehicles.

Dagdag pa niya, hindi sila tutol sa programa ngunit nais nilang magkaroon ng mas malawak na konsultasyon sa mga stakeholder upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan at matiyak na magiging patas at kapaki-pakinabang ang pagpapatupad ng NCAP para sa lahat ng gumagamit ng kalsada.