Dumaragdag na sa pasanin ng mga magsasaka ang panibagong pagtaas ng presyo ng diesel lalo na ngayong panahon ng anihan kung kailan mas mataas ang kanilang gastos sa operasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Rommel Elescopedes, isang magsasaka, sinabi niyang malaki ang epekto ng pagtaas ng presyo ng krudo sa kanilang pang araw-araw na gawain sa bukid. Aniya, ginagamit ang diesel sa pagpapatakbo ng mga makinang pangsaka tulad ng traktora at water pump kaya’t halos doble ang gastos.
Iginiit din niya na mas ramdam nila ang pagtaas ng presyo ng diesel lalo na ngayong anihan dahil kinakailangan ang paggamit ng mga makinarya para sa pag-aani at pagdadala ng kanilang produkto.
Dagdag pa niya, sa kabila ng tumataas na gastusin nananatiling bumababa ang presyo ng kanilang ani sa merkado. Dahil dito, napipilitan silang magtiis sa kakapiranggot na kita na halos hindi na sapat sa pangangailangan ng kanilang pamilya.
Ibinahagi din niya na may mga pagkakataong kinakailangang umutang para maipagpatuloy lamang ang pagsasaka lalo na sa panahon ng taniman at anihan.








