Nagsagaw ang Department of Labor and Employment (DOLE) Isabela Field Office ng isang job fair sa isang malaking mall sa lungsod ng Cauayan kahapon, Marso 26.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ralph Domingo, Job Fair Focal Person, sinabi niyang layunin ng programa na matulungan ang mga kababayan na nawalan ng trabaho o wala pang hanapbuhay, kabilang ang mga bagong nagtapos sa kolehiyo.
Ayon sa DOLE, mayroong 698 job vacancies mula sa iba’t ibang kompanya sa lalawigan, at 27 na kumpanya ang dumalo upang mag-hire ng mga bagong empleyado. Sa kasalukuyang ulat, 29 sa 140 aplikante ang na-hire on the spot hanggang alas-3 ng hapon.
Kasama rin sa programa ang ilang government agencies tulad ng Social Security System (SSS), Pag-IBIG Fund, at PhilHealth upang matulungan ang mga aplikante na kumpletuhin ang kanilang mga dokumento at iba pang pangunahing requirements para sa trabaho.
Dagdag pa Domingo, bahagi ito ng patuloy na pagsuporta ng DOLE sa employment at livelihood programs sa lalawigan at layuning mapabuti ang kabuhayan ng mga residente.











