Patuloy ang pagpapadala ng letter of inquiry ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga establisimiyentong lumalabag sa itinakdang suggested retail price (SRP) ng mga produkto, bilang bahagi ng pagpapatupad ng kanilang Price Monitoring Program.
Sa pnayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lovell Mark Campania, Senior Trade and Industry Development Specialist ng DTI Santiago City Satellite Office, sinabi niya na sinimulan na ang paghahatid ng mga liham sa mga negosyanteng hindi sumusunod sa mandato ng DTI upang matiyak ang patas na presyo sa merkado at maprotektahan ang karapatan ng mga mamimili.
Sa pamamagitan ng naturang liham, hinihingi ng DTI ang pormal na paliwanag mula sa mga negosyante kaugnay ng kanilang ipinatupad na price adjustments, kabilang ang dahilan ng pagtaas ng presyo, ang proseso ng pagpepresyo, at kung ito ay naaayon sa umiiral na batas at regulasyon.
Dagdag ni Campania, layunin ng tanggapan na hindi lamang magpataw ng parusa kundi itaguyod ang transparency at maayos na komunikasyon sa pagitan ng mga negosyo at ng pamahalaan. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagsunod sa SRP, lalo na sa mga pangunahing bilihin, upang maiwasan ang labis na pagtaas ng presyo at mapangalagaan ang interes ng publiko.
Bukod dito, pinaalalahanan ng DTI ang mga negosyante na panatilihin ang maayos na record-keeping at dokumentasyon ng kanilang mga presyo upang mapadali ang pagsusuri ng ahensya at masiguro ang patas na kompetisyon sa merkado.
Sa kasalukuyan, wala pang negosyante sa lungsod ang napapatawan ng notice of violation. Gayunman, pinapayuhan ng DTI ang lahat ng establisimiyento na maging maingat at maagap sa pagtatala at pag-update ng kanilang mga presyo alinsunod sa SRP, dahil ang hindi pagsunod ay maaaring magresulta sa pormal na imbestigasyon at posibleng parusa.









