--Ads--

Ginugulo lamang umano ng Department of Agriculture (DA) ang merkado ng bigas sa pagpapatupad ng Suggested Retail Price (SRP) na ₱53 kada kilo para sa lokal na bigas sa bansa.

Ito ang pahayag ng grupo ng mga rice millers sa Region 2 kaugnay ng inanunsyo ng DA, kabilang na ang posibleng dalawang buwang extension ng ₱50 price cap sa 5% broken imported rice upang mapanatili ang katatagan ng presyo nito sa mga pamilihan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ernesto Subia, presidente ng Rice Millers Association Region 2, sinabi niya na nagdudulot lamang ng kalituhan sa merkado ang mga ipinatutupad na patakaran ng DA na aniya ay hindi nakatutulong sa mamamayan.

Inihalimbawa nito ang ipinatupad na ₱30 na buying price ng palay noong nakaraang harvest season na sinunod umano ng mga rice millers. Gayunman, aniya, kasunod nito ang pagdagsa ng imported rice na may ibinabang taripa, na naging kakompetensya pa ng lokal na bigas sa merkado matapos silang makabili ng lokal na ani.

--Ads--

Para sa panig ng rice millers, ang ganitong mga polisiya ay nakikita nilang nagdudulot ng pagkalito at hindi pantay na kondisyon sa merkado ng bigas.

Giit nila, nagiging mahirap para sa mga local millers na makabawi sa kanilang puhunan dahil sa sabay-sabay na epekto ng presyo ng palay, price cap sa imported rice, at pagpasok ng mas murang imported na bigas.

Payo niya sa DA, magkaroon dapat ito ng may malinaw na timeline, may advance consultation sa stakeholders at predictable ang ipapatupad na adjustment.

Aniya kapag puro kontrol lang ang DA nang walang structural support, nagkakaroon talaga ng tension sa millers, traders, at consumers.