Ikinatuwa ng mga residente at mga mag-aaral sa Tagaran, Cauayan City ang agarang aksyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) hinggil sa kawalan ng pedestrian lane sa harap ng isang paaralan sa nasabing barangay.
Matatandaan na noong linggo ng Marso ay Idinulog ng ilang mga concerned citizens sa Ipa-Bombo Segment ng Bombo Radyo Cauayan ang kawalan ng pedestrian lane sa naturang lugar.
Ayon sa kanila, dating mayroong pedestrian lane sa nasabing lugar, ngunit nang lagyan ito ng aspalto ng DPWH, hindi na ito naibalik. Dahil dito, hindi nagbabagal ang mga dumadaang sasakyan, na nagdudulot ng pahirap sa pagtawid ng mga estudyante, guro, at iba pang pedestrian.
Makalipas ang ilang linggo matapos maidulog ang isyu sa Bombo Radyo ay nalagyan na ng dalawang pedestrian lane ang bahagi ng naturang national highway.
Ikinatuwa ito ng mga mag-aaral dahil hindi na sila mangangamba sa pagtawid sa lansangan.











