Inatasan ng Department of Energy (DOE) ang mga Liquefied Petroleum Gas (LPG) terminal at importer na mag-secure ng karagdagang LPG upang tumaas ang buffer stock ng bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay LPGMA President Ariel Ty, sinabi niya na pangunahing prayoridad ng pamahalaan ang pagpaparami ng suplay ng LPG, lalo na’t nagkukulang na umano ang mga karatig na bansa tulad ng India at Vietnam.
Layunin nito na matiyak na walang kakulangan sa LPG sa susunod na 45 araw. Gayunpaman, patuloy ang paghahanap ng mga mapagkukunan ng suplay upang mas mapalawig pa ito.
Aniya, malaking isyu ngayon ang presyuhan ng LPG dahil idinadaan na sa bidding ang sistema ng procurement sa international market, hindi na gaya ng dati na presyo lamang mula sa Saudi Aramco ang pinagbasehan.
Kumukuha ang mga traders sa Asya ng suplay mula sa America, Australia, at Africa, at ang mga ito ay ibinibigay sa mga bansa sa Asya sa pamamagitan ng bidding.
Dahil dito, inaasahang tataas ang presyo ng LPG, lalo na’t tumaas din nang husto ang shipping cost.
Simula bukas, unang araw ng Abril, magiging P1,500 na ang kada tangke ng LPG.
Sa ngayon, may na-secure nang karagdagang suplay ang Pilipinas na kasalukuyang in transit at inaantay na lamang ang pagdating sa bansa.











