Hindi umano tumaas ang benta ng liquefied petroleum gas (LPG) sa ilang dealer sa Cauayan City sa kabila ng patuloy na pagmahal nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Robinson Calderon, isang LPG dealer sa lungsod, mas nagtitipid na ang mga mamimili at ang ilan ay gumagamit na lamang ng electric appliances o alternatibong panggatong sa pagluluto.
Batay sa kanilang price list, nasa P1,250 hanggang P1,500 ang presyo ng regular na LPG cylinder, habang P270 hanggang P750 naman ang maliliit na tangke. Nasa 30 hanggang 40 cylinder kada araw ang kanilang karaniwang nabebenta.
Dagdag pa ni Calderon, may ilang supplier na nakararanas ng oversupply matapos hindi maabot ang inaasahang demand ngayong Kapaskuhan. Dahil dito, mas maingat na ang mga retailer sa pag-order upang maiwasan ang sobrang imbentaryo.
Inaasahan naman niyang bahagyang tataas ang demand sa Nobyembre, kasabay ng inaasahang karagdagang P5 na pagtaas sa presyo ng LPG sa susunod na buwan.










