Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Foreign Affairs (DFA) na makipag-usap sa bansang Iran upang masiguro ang ligtas na paglalayag ng mga barkong may dalang suplay patungong Pilipinas.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na inatasan na ng Pangulo si DFA Secretary Theresa Lazaro na makipag-ugnayan sa ambassador ng Iran.
Inaasahang magaganap ang mahalagang pag-uusap na ito ngayong linggo o sa susunod na linggo.
Sinabi ni Castro, ang nasabing hakbang na ito ay tugon sa panawagan ni Senator Sherwin Gatchalian na magsagawa ng high-level discussions ang ehekutibo upang matiyak ang ‘safe passage’ ng mga sasakyang pandagat sa Strait of Hormuz sa gitna ng tensyon sa Middle East.
Ang Strait of Hormuz ay isang kritikal na daanan ng mga tanker ng langis at iba pang kargamento.
Layunin ng direktiba ng Pangulo na maiwasan ang anumang aberya sa daloy ng suplay ng enerhiya at bilihin sa bansa habang nagpapatuloy ang sigalot sa nasabing rehiyon.
Siniguro ng Palasyo na maganda ang relasyon ng Pilipinas at Iran.









