Nasawi ang dalawang batang babae matapos malunod sa ilog sa Barangay Santa Isabel Sur, Lungsod ng Ilagan noong Marso 28.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Noralyn Andal ng City of Ilagan Component Police Station, sinabi nitong kapwa 10 taong gulang ang mga biktima na kasama ng dalawa pang bata na naligo sa ilog.
Ayon sa paunang imbestigasyon, nagkayayaan ang apat na bata na pumunta sa ilog ngunit tinangay ng malakas na agos ang mga ito patungo sa mas malalim na bahagi. Agad namang sumaklolo ang isang residente at nailigtas ang dalawa, subalit hindi na naisalba ang dalawang biktima.
Sinabi ni PCapt. Andal na ito ang unang naitalang drowning incident sa naturang lugar batay sa kanilang rekord.
Dahil dito, muling nagpaalala ang pulisya sa mga magulang na huwag hayaang mag-isa ang kanilang mga anak na pumunta sa ilog at tiyaking may kasamang nakatatanda upang maiwasan ang kaparehong insidente.
Samantala, kasabay ng Semana Santa, nag-deploy na rin ang kapulisan ng lungsod ng Ilagan ng mga tauhan sa mga strategic locations, kabilang ang mga pasyalan at pangunahing lansangan, kung saan naglatag din ng police at motorist assistance desks katuwang ang iba’t ibang ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Dagdag pa ni PCapt. Andal, nananatiling hindi naman gaanong mataas ang naitatalang vehicular accidents sa lungsod batay sa mga nakaraang ulat, ngunit patuloy pa rin ang paalala sa mga motorista na sumunod sa batas-trapiko at mag-ingat sa pagmamaneho.










