--Ads--

Patay ang isang 58-anyos na construction worker matapos umanong pagsasaksakin ng isang 46-anyos na magsasaka kasunod ng kanilang komprontasyon sa boundary ng Sitio Lamang, Barangay Sindun Bayabo at Barangay Sindun Maride, Ilagan City, Isabela, alas-7:00 ng umaga nitong Agosto 26.

Kinilala ang biktima sa alyas na “Ama,” habang ang suspek ay kinilala sa alyas na “Nel,” kapwa residente ng Barangay Sindun Maride.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, kapwa naglalakbay sakay ng kani-kanilang motorsiklo nang umano’y magkaroon sila ng pagtatalo at pisikal na komprontasyon.

Ayon sa ulat, sinaksak umano ni Ama si Nel bago tumakbo patungo sa Barangay Sindun Maride.

--Ads--

Hinabol umano ni Nel si Ama at nang maabutan ito ay muli silang nagkaroon ng komprontasyon at pakikipagbuno.

Sa kasagsagan ng pangyayari, nakuha umano ni Nel ang patalim mula kay Ama at sinaksak ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

May alegasyon ding kumuha pa umano si Nel ng isa pang patalim mula sa kanyang sling bag at muling sinaksak si Ama.

Idineklarang dead on arrival si Ama dahil sa mga tinamong sugat.

Matapos ang insidente, boluntaryong sumuko si Nel sa isang barangay kagawad at kalaunan ay itinurn-over sa mga tauhan ng 201st Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 2 at Ilagan City Police Station.

Dinala muna si Nel sa pagamutan para sa medical examination bago isinailalim sa kustodiya ng pulisya.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad habang kinokolekta at sinusuri ang mga ebidensya, salaysay ng mga posibleng testigo at resulta ng medico-legal at forensic examinations.