--Ads--

Natagpuang palutang-lutang ang bangkay ng isang 6-anyos na batang lalaki sa Cagayan River, na sakop ng Barangay Bagutari, Sto. Tomas, Isabela, matapos itong unang naiulat na nawawala sa Ilagan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Felipe Aguilar Ramil Jr. II, Chief of Police ng Sto. Tomas Police Station, sinabi nitong bandang alas-11:30 ng umaga noong Oktubre 1 nang makatanggap sila ng ulat mula sa isang residente tungkol sa batang nakitang palutang-lutang sa gitna ng ilog.

Agad umanong nakipag-ugnayan ang Sto. Tomas Police sa Ilagan City Police Station matapos matukoy na maaaring kaugnay ito ng naunang ulat tungkol sa nawawalang bata.

Ayon kay PMaj. Ramil, lumabas ang bata bandang alas-4 ng hapon noong Setyembre 30 sakay ng bisikleta ngunit hindi na nakauwi.

--Ads--

Dahil dito, agad itong hinanap ng kanyang ama at nakita ang bisikleta at damit pang-itaas ng bata malapit sa ilog. Agad naman itong ini-report ng ama sa Ilagan City Police Station.

Kasunod nito, naglabas ng alerto ang Ilagan City Police Station sa mga kalapit na police station, kabilang ang Sto. Tomas Police Station, upang makatulong sa paghahanap sa bata.

Nang makarating sa lugar ang mga kaanak ng bata, nakumpirma nilang ang natagpuang bangkay ang kanilang nawawalang kaanak.

Wala nang damit pang-itaas ang bata nang matagpuan, habang malalim ang bahagi ng ilog kung saan nakita ang katawan.

Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang buong pangyayari kaugnay ng pagkamatay ng bata.

Samantala, pinaalalahanan ni PMaj. Ramil ang mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak at huwag hayaang lumayo nang mag-isa, lalo na kung nakatira malapit sa ilog o kalsada.