Naghain ng reklamong graft ang grupo ng “concerned Department of Health personnel” sa Office of the Ombudsman laban kay Health Secretary Ted Herbosa at 16 na iba pang opisyal dahil sa umano’y nalustay na P1.4 bilyong halaga ng mga gamot at bakuna.
Sa 33 pahinang reklamo, inakusahan ng grupo ang kalihim at iba pang mga opisyal ng graft at serious dishonesty, grave misconduct and conduct prejudicial to public service dahil sa kabiguang ipamahagi ang mga gamot kabilang ang HIV antiretrovirals, psychiatric medications at vaccines, na hinayaang nagpaso sa mga bodega.
Ayon sa grupo, expired na ang P68 million halaga ng medisina kabilang ang 1.2 milyong cycles ng family planning drugs at psychiatric injectables, P1.3 bilyong halaga ng hindi na-deliver na mga bakuna at 1.6 milyong tablets ng HIV antiretrovirals.
Ang kabiguan aniyang gampanan ang kanilang trabaho ay isang “dereliction of duty” o pagpapabaya sa tungkulin at direktang paglabag ng tiwala ng publiko.
Ayon sa complainants, naipaalam sa mga opisyal sa isang executive briefer ang overstocking at mga nakatakdang magpaso na legacy antiretrovirals (ARVs) para sa HIV medications at visual list ng lahat ng commodities na malapit nang magpaso.
Base sa grupo, sa halip na ipatupad umano ang emergency distribution plan, inuna ng DOH na madaliin ang disposal ng mga gamot para ma-liquidate ang stock at maitago ang ebidensiya mula sa media scrutiny.
Binanggit din sa reklamo ang internal communications mula sa tanggapan ng kalihim kabilang ang isang mensahe na nagsasabing, maraming pa-expire ng commodities ng DPBC.
Kaugnay nito, hiniling ng grupo sa Ombudsman na agarang ilagay si Herbosa at kaniyang co-respondents sa ilalim ng preventive suspension para mapigilan silang ma-intimidate ang mga testigo o ma-tamper ang ebidensiya habang gumugulong ang imbestigasyon.











