Ibinasura ng Sandiganbayan ang mosyon ni Uswag Ilonggo party-list Representative Jojo Ang na pagsamahin ang graft case na nakabinbin sa Sixth Division at isa pang graft case na kinahaharap niya sa Second Division.
Sa resolusyong inilabas nitong Agosto 24, sinabi ng Sandiganbayan Sixth Division na nasa pagpapasya ng korte at hindi sapilitan ang consolidation o pagsasama ng mga kaso matapos ang raffle.
Nahaharap si Ang sa 14 na magkakahiwalay na graft cases, kung saan ang kasong may pinakamababang docket number ay nakabinbin sa Second Division ng anti-graft court.
Ayon sa Sandiganbayan, bagama’t nagmula sa iisang resolusyon ng Office of the Ombudsman ang 14 na kaso, magkakahiwalay at magkakaiba ang mga proyektong sangkot sa bawat kaso.
Lahat ng kaso ay may kaugnayan sa mga proyektong iginawad ng Department of Public Works and Highways o DPWH sa Allencon Development Corporation, kung saan sinasabing stockholder si Ang.
Dahil magkakahiwalay ang mga proyekto, sinabi ng korte na hindi naman inaasahang magkakaroon ng magkakasalungat na desisyon sa mga factual na usapin kahit hindi pagsamahin ang mga kaso.
Binigyang-diin din ng Sandiganbayan na maaari lamang magdulot ng pagkaantala ang consolidation dahil magkakaiba ang mga ebidensiyang kakailanganing iharap sa bawat kaso.
Kapag pinagsama umano ang mga kaso, kakailanganin ng korte na dinggin ang mga ebidensiya para sa lahat ng sangkot na proyekto bago makapaglabas ng desisyon, kabilang ang mas maraming dokumento at testimonya ng mga saksi.
Dahil dito, ibinasura ng Sandiganbayan Sixth Division dahil sa kawalan ng merito ang mosyon ni Ang na pagsamahin ang mga graft case.











