Sinimulan na ng Department of Public Works and Highways ang pagkukumpuni ng ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila kasabay ng inaasahang pagluwag ng trapiko ngayong Semana Santa.
Ayon sa DPWH-National Capital Region, isinagawa ang road repairs mula Marso 30 hanggang Abril 6 sa mga lungsod ng Las Piñas, Muntinlupa, Maynila, Pasig, Valenzuela, at Quezon City.
Kabilang sa mga ginagawa ang asphalt overlaying, pagkukumpuni ng sidewalk, expansion joints, waterproofing, at rehabilitasyon ng mga tulay at kalsada upang mapabuti ang kaligtasan ng mga motorista.
Ilan sa mga apektadong lugar ang southbound ng EDSA sa Magallanes Flyover at ang bahagi ng EDSA mula Orense hanggang Buendia sa Makati, pati na ang Rosario Bridge sa Ortigas Avenue sa Pasig at MacArthur Highway sa Karuhatan, Valenzuela.
Nagbabala ang DPWH na magkakaroon ng pansamantalang partial road closures sa mga naturang lugar, kaya pinapayuhan ang mga motorista na sumunod sa traffic advisories at gumamit ng alternatibong ruta.
Inaasahan naman ang pagluwag ng trapiko sa Metro Manila dahil sa pag-uwi ng maraming biyahero sa kani-kanilang probinsya para sa Semana Santa.











