--Ads--

Nangangamba ang isang pamilya sa Nueza, Roxas, Isabela, na tuluyang matangay ang kanilang bahay dahil sa patuloy na pagguho ng lupa malapit sa ilog.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Aira Mae Escobar, may-ari ng bahay, sinabi nito na nagpatayo sila ng bahay sa lugar noong Abril 2024 at nagsimula nilang mapansin ang pagguho noong panahon ng tag-ulan.

Ayon kay Escobar, una silang humingi ng tulong sa Department of Public Works and Highways o DPWH dahil isinasagawang flood control project noon sa lugar ngunit hindi umano ito naituloy dahil sa isyu sa proyekto.

Ilang beses na rin siyang lumapit sa alkalde upang humingi ng tulong, kabilang ang kahilingan na maglagay ng panambak sa bahagi ng daan upang pansamantalang mapigilan ang pag-agos ng tubig sa ilalim ng lupa. Gayunman, sinabi niyang survey lamang umano ang isinagawa sa lugar.

--Ads--

Sa kasalukuyan, umabot na sa mismong bakod at pader ng kanilang bahay ang pagguho. Kuwento ni Escobar, noong una ay may tinatayang kalahating metrong layo pa ang gumuguhong lupa sa bahay, ngunit kamakailan ay umabot na ito sa kanilang pader.

Dahil sa pangambang tuluyang gumuho ang kanilang tahanan, sinimulan na ng pamilya ang pag-aalis ng bubong, mga kahoy, bintana at iba pang bahagi ng bahay upang mailigtas ang mga gamit at materyales na maaari pang mapakinabangan.

Sinabi ni Escobar na pansamantala silang makikituloy sa kaniyang Biyenan sakaling tuluyang masira ang kanilang bahay, habang nag-iipon upang makabili muli ng lupa at makapagtayo ng bagong tahanan.

Samantala, sinabi niyang nakatakdang bumalik sa kanilang lugar ang mga tauhan ng alkalde sa darating na Lunes upang magsagawa ng survey at tingnan ang kanilang kahilingan. Nagpahayag din umano ng kahandaang tumulong ang ilang opisyal sa pamamagitan ng pagbibigay ng panambak.

Umaasa si Escobar na maisasagawa agad ang mga kinakailangang hakbang upang mapigilan ang pagguho bago tuluyang maapektuhan ang kanilang bahay.

Sa ngayon ay tanging ang kanilang bahay lang naman aniya ang direktang apektado ng pagguho ng lupa sa lugar.