Malabong umabot sa P500 kada kilo ang presyo ng baboy sa merkado kahit pa tumaas ang gastos sa animal feed dahil sa tensiyon sa Gitnang Silangan ayon sa mga hog raisers.
Ito ay kasunod ng pahayag ng Department of Agriculture (DA) na posibleng umabot sa P588 kada kilo ang retail price ng baboy kung tuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng langis dahil sa eskalasyon ng hidwaan sa Persian Gulf. Gayunpaman, binigyang-diin ng DA na ito ay “worst-case scenario” lamang.
Ayon kay Alfred Ng, Vice Chairman ng National Federation of Hog Farmers Inc. (NatFed), magiging hindi patok sa mga mamimili ang sobrang taas na presyo, na magreresulta sa pagkalugi ng mga raisers.
Aniya, kahit tumaas ng 50 porsiyento ang gastos sa feed, ang production cost ay aabot lamang sa P230 kada kilo mula sa kasalukuyang P180, at ang presyo ng liveweight ay nasa P270–P280 kada kilo.
Dagdag niya, kung tataasan ang margin ng mga vendors mula P120 hanggang P160 kada kilo, ang presyo ng kasim ay aabot lamang sa P400, at liempo sa P450, kaya’t sobra ang projected na P558–P588 ng DA.
Binigyang-linaw ng DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ang mga extreme projections ay nakabase sa sobrang assumptions, gaya ng crude oil averaging $200 per barrel sa anim na buwan, at hindi pa isinasaalang-alang ang mga hakbang ng gobyerno upang protektahan ang mga mamamayan mula sa oil shock.











