--Ads--

Ipinatutupad na sa mga barangay sa Santiago City ang paggamit ng Barangay Information Management System (BIMS) upang mapabilis at mapanatiling ligtas ang pag-iingat ng mga ordinansa at resolusyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Von Louie Cayaba, Local Government Operations Officer III ng Department of the Interior and Local Government o DILG Santiago City, sinabi niya na layunin ng nasabing sistema na mabigyan ang mga barangay ng libreng computer system na magagamit sa kanilang pang-araw-araw na operasyon.

Dagdag pa niya, maaaring gamitin ang BIMS bilang database ng mga ordinansa at resolusyon kung saan maaaring maglagay ang mga barangay ng scanned copies ng kanilang mga dokumento upang magkaroon ng digital na kopya ang mga ito.

Aniya, makatutulong ang sistemang ito upang maiwasan ang pagkawala ng mahahalagang dokumento at masigurong madali itong mare-retrieve kung kinakailangan.

--Ads--

Bahagi rin ng programa ang pagsasanay sa mga opisyal ng barangay upang matiyak ang maayos na paggamit ng sistema at mapanatili ang seguridad ng kanilang mga datos, kahit pa magkaroon ng pagbabago sa pamunuan.

Binigyang-diin pa ni Cayaba na mahalaga ang implementasyon ng BIMS dahil makatutulong ito sa pagpapabilis ng serbisyo at pag-iwas sa red tape sa mga barangay.