Ipinaliwanag ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal na mangilan-ngilan lamang na buyer ang nagtungo sa NVAT kamakailan upang mamili ng gulay dahilan upang mapilitan ang ilang mga magsasaka na itapon na lamang ang kanilang mga ani na kamatis.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Julio Basilan, Agricultural Production Sales and Marketing Officer ng NVAT, sinabi niya na nitong Miyerkules Santo ay dagsaan ang mga gulay sa naturang Terminal ngunit dahil sa holiday ng ilang araw bunsod ng Semana Santa ay iilan lang ang mga buyer kaya kinailangang itapon ang mga ito.
Bukod kasi sa mabilis lamang masira ang kamatis ay nasa ₱8 hanggang ₱10 lamang kada kilo ang presyo nito sa ngayon dahil nagkasabay-sabay ang anihan ng kamatis sa bansa gaya sa Ilocos Region, Pangasinan, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Pampanga, at Batangas.
Malaking kalugian aniya ito sa mga magsasaka dahil kailangang umabot ng ₱20 ang presyo ng kamatis kada kilo upang mapunan ang production cost.
Ayon kay Basilan, batay sa kaniyang pagtaya maaaring umabot hanggang sa 50 crates ang itinapon kamakailan at aniya, karamihan sa mga ito ay small size na pahirapan nang ibenta.
Batay sa kanilang karanasan, tuwing first at second quarter ng taon ay kadalasang mababa ang presyo ng mga gulay.
Bilang interbensyon ay nakikipag-ugnayan ang NVAT sa mga Local Government Units (LGUs) upang tumulong sa pagbili ng mga aning gulay na ibinagsak sa naturang terminal.










