--Ads--

Haharapin ng dating House Speaker at kasalukuyang Leyte Representative Ferdinand Martin Romualdez ang posibleng kaso mula sa Office of the Ombudsman kaugnay ng kontrobersiya sa flood control projects.

Ayon kay Atty. Ade Fajardo, abogado at tagapagsalita ni Romualdez, ang ulat ay tumutukoy lamang sa paghahanda ng reklamo; wala pang opisyal na kaso, probableng dahilan, o hatol ng pananagutan sa ngayon.

Iginiit ni Fajardo na iginagalang nila ang proseso ng Ombudsman at makikipagtulungan kapag may pormal na paglilitis. Aniya, inaasahan nila na susundin ng tanggapan ang patakaran na inilatag ni Remulla noong panahon niyang DOJ Secretary, na ang mga kaso ay isusulong lamang kung may “reasonable certainty of conviction.”

Sa isang briefing nitong Lunes, sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na tinatapos na ng kanyang tanggapan ang mga kinakailangang hakbang para maisampa ang kaso laban kay Romualdez at kay dating Senate President Francis Escudero.

--Ads--

Nilinaw naman ni Fajardo na wala pang ebidensyang nag-uugnay kay Romualdez sa mga substandard flood control projects at nananatili silang tiwala na ang usapin ay maresolba batay sa ebidensya at tamang proseso, hindi sa pulitika o haka-haka.