Ilang Philippine-flagged ships na ang nakapasok sa Strait of Hormuz matapos ang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Iran, ayon kay Energy Secretary Sharon Garin.Balitang Pilipinas
Sa isang online press conference, binigyang-diin ni Garin na ang mga barkong ito ay hindi pa nagdadala ng langis kundi ibang produkto tulad ng petrochemicals.
Binigyang-diin ni Garin na mahalaga rin na malinaw ang clearance hindi lang para sa mga Philippine vessels, kundi para sa mga produktong patungo sa bansa at sa kaligtasan ng mga crew.
Kilala ang Strait of Hormuz bilang makitid na dungan na siyang nag-uugnay sa Persian Gulf at Gulf of Oman patungong Arabian Sea.
Bago ang kasalukuyang krisis, dito dumadaan ang halos 20% ng suplay ng langis sa buong mundo, pati na rin ng iba pang mahahalagang kalakal.
Maalalang isinara ito ng Iran kasunod ng mga pag-atake ng U.S. at Israel.
Ayon sa ulat libu-libong Filipino seafarers parin ang stranded sa Persian Gulf at sa Strait, kung saan hindi pa kasama rito ang mga nagtatrabaho sa offshore facilities.
Sinabi naman ng Department of Migrant Workers na kanilang ginagawa ang lahat upang matulungan ang mga Filipino crewmembers na naapektuhan ng digmaan.











