Higit sa isang simpleng holiday, paalala ng kagitingan at sakripisyo ng mga Pilipino ang paggunita sa Araw ng Kagitingan ngayong Abril 9.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Troy Alexander Miano, Regional Director ng Department of Tourism Region 2, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pag-alala sa kasaysayan ng bansa, lalo na sa naging papel ng mga beterano noong World War II.
Ayon kay Dr. Miano, nadamay ang Pilipinas sa digmaan dahil sa ugnayan nito sa United States, kung saan naging bahagi rin ang bansa sa labanan sa Southeast Asia laban sa Japan.
Ipinunto nito na noong Abril 9, 84 na taon na ang nakalipas, bumagsak ang Bataan na sinundan ng Corregidor Island—isang pangyayaring nagbunga ng isa sa pinakamalungkot na yugto ng kasaysayan ng bansa, ang Bataan Death March. Dito, sapilitang pinalakad ang libu-libong sundalong Pilipino at Amerikano mula Bataan hanggang Capas, Tarlac sa gitna ng matinding hirap at karahasan.
Dagdag pa niya, naging malupit ang epekto ng digmaan hindi lamang sa Luzon kundi sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang ang matinding labanan sa Dalton Pass. Aniya, maging ang Cagayan Valley ay may mahalagang bahagi sa pagtatapos ng digmaan.
Binigyang-diin din ni Dr. Miano na hindi dapat tingnan ang araw na ito bilang pag-alala sa pagkatalo kundi bilang paggunita sa kagitingan, katatagan, at sakripisyo ng mga Pilipino na nag-alay ng kanilang buhay para sa kalayaan ng bansa.
Samantala, binanggit din niya ang panawagan ng pamunuan ng Nueva Vizcaya State University na higit pang palalimin ang pagtuturo ng kasaysayan sa mga paaralan, hindi lamang sa pamamagitan ng pagmememorisa kundi sa pag-unawa sa mga aral ng nakaraan upang hindi na maulit ang mga pagkakamali ng kasaysayan.
Sa huli, paalala ng opisyal na ang Araw ng Kagitingan ay hindi lamang isang araw na walang pasok kundi isang mahalagang pagkakataon upang balikan ang kasaysayan, kilalanin ang sakripisyo ng mga beterano, at paigtingin ang kamalayan sa masamang dulot ng digmaan.








