--Ads--

Inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes, Abril 13, ang pagsuspinde sa excise tax ng liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan upang mabawasan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ayon sa Pangulo, agad na ipatutupad ang naturang hakbang kasabay ng pagsisimula ng kapangyarihan ng pamahalaan na mag-adjust ng fuel taxes simula Abril 14.

Sa ilalim ng polisiya, inaasahang magkakaroon ng bawas na P3.36 kada litro sa LPG at P5.60 kada litro sa kerosene. Tinatayang aabot naman sa humigit-kumulang P37 ang matitipid sa bawat tangke ng LPG, na malaking tulong umano sa mga gastusin ng mga kabahayan, partikular sa pagluluto at araw-araw na pangangailangan.

Ipinaliwanag ng Pangulo na ang hakbang ay tugon sa patuloy na hindi matatag na sitwasyon sa pandaigdigang merkado ng langis, lalo na matapos mabigo ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

--Ads--

Sa kabila nito, tiniyak ni Marcos na nananatiling sapat ang suplay ng pagkain sa bansa, kabilang ang bigas, karne, isda at gulay. Dagdag pa niya, inaasahang mananatiling matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin hanggang sa katapusan ng Abril dahil sa pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa mga stakeholder ng industriya.

Upang higit pang mapababa ang presyo ng pagkain, inatasan na rin ng Pangulo ang Department of Agriculture at ang Tariff Commission na pag-aralan ang posibleng pagbawas sa taripa ng mga inaangkat na pagkain, kasabay ng pagpapatupad ng mas mabilis na proseso sa pag-aangkat.

Inanunsiyo rin ng Pangulo ang pagtanggal ng toll fees sa mga fish port upang maiwasan ang dagdag-gastos na maaaring ipasa sa mga mamimili, na inaasahang makatutulong sa pagpapatatag ng presyo ng isda at iba pang produktong dagat.

Samantala, upang matulungan ang mga magsasaka, sinabi ni Marcos na bibilhin ng pamahalaan ang sobrang produksyon ng mga produktong agrikultural upang maiwasan ang pagkalugi. Tutulong din ang mga lokal na pamahalaan sa distribusyon ng mga ito sa mga komunidad.

Binigyang-diin ng Pangulo na ang bawat hakbang ng pamahalaan ay may kaakibat na epekto sa iba pang sektor, kaya’t kinakailangang balansehin ang mga polisiya upang maprotektahan ang kabuhayan ng mamamayan.

Tiniyak naman ni Marcos na magpapatuloy ang pagpapatupad ng mga programa at hakbang upang mapagaan ang epekto ng mataas na presyo ng langis at iba pang bilihin sa gitna ng pandaigdigang hamon sa ekonomiya.