--Ads--

Posibleng bumaba ang presyo ng diesel ngunit tataas naman ang presyo ng gasolina sa susunod na linggo.

Batay sa paunang pagtaya ng isang source mula sa oil industry, inaasahang magkakaroon ng rollback na ₱1.80 hanggang ₱2 kada litro sa diesel, habang posibleng tumaas ng ₱2 hanggang ₱2.20 kada litro ang gasolina.

Nakabatay ang pagtaya sa apat na araw na galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at palitan ng piso kontra dolyar.

Bagama’t bahagyang humina ang presyo ng langis dahil sa planong pagpapalabas ng mga reserbang langis at pagbuti ng suplay mula sa Middle East, nananatiling pangamba ang mga pag-atake sa oil tanker at tumitinding tensyon sa rehiyon.

--Ads--

Nakaaapekto rin sa suplay ang paghinto ng produksyon ng langis at gas sa Gulf of Mexico dahil sa paparating na bagyo, gayundin ang suspensiyon ng China sa pag-export ng produktong petrolyo at pagkawala ng ilang kapasidad sa pagproseso ng langis sa Russia at Middle East.

Inaasahang iaanunsiyo ng mga kumpanya ng langis ang opisyal na pagbabago sa presyo sa Lunes, na kadalasang ipinatutupad tuwing Martes.