--Ads--

Inihayag ng Department of Agriculture (DA) na may nakalaang ₱10 bilyong pondo para sa cash assistance ng mga magsasaka at mangingisda sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program, kasunod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rose Mary Aquino, Regional Executive Director ng DA Region 2, sinabi nito na layunin ng programa na matulungan ang mga rehistradong magsasaka sa ilalim ng RSBSA na nagtatanim ng palay, mais at tubo na apektado ng economic instability at global market disruption dulot ng krisis sa Middle East.

Ayon kay Aquino, bawat benepisyaryo ay makatatanggap ng ₱2,325, subalit nilinaw nito na hindi lahat ng rehistradong rice farmers ay saklaw dahil prayoridad lamang ang mga may sakahang dalawang ektarya pababa.

Samantala, ang mga corn at sugarcane farmers ay maaari ring makinabang sa parehong halaga basta’t sila ay rehistrado at hindi doble ang kanilang claim bilang benepisyaryo.

--Ads--

Binigyang-diin din ng opisyal na mahalagang i-verify muna ng mga magsasaka sa kanilang Municipal Agriculture Office kung sila ay kabilang sa listahan at sundin ang itinakdang schedule ng pamamahagi upang maiwasan ang kalituhan.

Hiwalay pa rito ang fuel assistance na nagkakahalaga ng ₱5,000 para sa mga magsasakang may rehistradong farm machineries.

Para naman sa requirements, kinakailangang magdala ng Intervention Monitoring Card ang rice farmers habang valid ID naman ang kailangan para sa corn at sugarcane farmers.

Layunin ng programa na maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis sa sektor ng agrikultura at matulungan ang mga magsasaka na maipagpatuloy ang kanilang produksyon.