Nanawagan si Cavite Representative Kiko Barzaga nitong Martes, Abril 14 para sa pagpapatalsik kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., na inaakusahan niyang may kinalaman sa kanyang pagkakakulong.
“Pinakulong ako ni Marcos, pero lumalaban pa rin ako! Ang dami na niyang ninakaw galing sa flood control. Masyado na niyang pinataas ang presyo ng gasolina, kailangan na natin siyang tanggalin bilang Presidente!” ani Barzaga sa isang post sa social media.
Sumuko si Barzaga sa mga awtoridad nitong Lunes ng gabi matapos maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng kasong cyber libel. Nagpiyansa siya bandang alas-10:25 ng gabi at kalaunan ay nakalaya rin.
Ang warrant of arrest ay inilabas ng Makati Regional Trial Court Branch 147.
Matatandaang naghain ng reklamong cyber libel laban kay Barzaga ang mga negosyanteng sina Enrique Razon, Deputy Speaker Antipolo Rep. Ronaldo Puno, at Manila Rep. Rolando Valeriano. Kaugnay ito ng kanyang Facebook post noong Enero 9 kung saan sinabi niya na, “NUP (National Unity Party) Congressmen received bribes from Enrique Razon sa iba’t ibang pagtitipon sa Solaire bago ang 2025 elections kapalit ng pagsuporta kay Speaker Martin Romualdez ng Leyte.”
Ayon kay Razon, hindi saklaw ng proteksyon ng political speech ang mga post ni Barzaga sa Facebook dahil naglalaman umano ang mga ito ng maling at mapanirang pahayag.











