--Ads--

Umabot na sa anim ang lumagda sa partial committee report ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa mga flood control project, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson nitong Huwebes.

Sa pahayag ni Lacson, chairman ng komite, kinumpirma niyang kabilang sa lumagda ang Senate President Vicente “Tito” Sotto III at committee vice chair Senator Erwin Tulfo noong Miyerkules.

Ayon pa sa kanya, mayroon ding “hindi bababa sa dalawa” pang senador na nagpahayag ng kahandaang lumagda sa ulat.

Kinakailangan ng hindi bababa sa siyam na pirma mula sa 17 miyembro ng komite upang maihain at maiprisinta ang report sa plenaryo, kung saan maaari itong pagtalunan, amyendahan, at posibleng pagtibayin.

--Ads--

Bukod kina Lacson, Sotto, at Tulfo, kabilang din sa mga lumagda sina Senador Bam Aquino, Risa Hontiveros, at Kiko Pangilinan.

Tugon sa isyu kung may alituntunin na nagbabawal sa Senate President na lumagda sa committee report, sinabi ni Sotto na walang ipinagbabawal dito.

“Walang bawal sa SP,” ani Sotto. “There is no rule preventing an ex officio senator to sign a comm report. It has always been done.”

Ipinaliwanag din ni Lacson na may ilang miyembro ng majority bloc ang hindi pa lumalagda o nag-aalangan dahil umano sa mga “pakiusap” mula sa dating kasamahan sa majority bloc.

Gayunman, iginiit ng senador na hindi niya pipilitin ang kapwa miyembro ng Blue Ribbon Committee na lumagda sa ulat bilang paggalang sa kanilang desisyon.

Nauna nang sinuspinde ni Lacson ang karagdagang pagdinig sa isyu ng flood control anomalies hanggang maisumite at maiprisinta ang partial committee report.

Inaasahang irerekomenda ng Blue Ribbon Committee ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban sa ilang personalidad na sangkot sa imbestigasyon, kabilang sina Senador Francis “Chiz” Escudero, Joel Villanueva, at Jinggoy Estrada, gayundin sina dating Senador Bong Revilla, dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, at dating Caloocan Rep. Mitch Cajayon-Uy.