Inatasan ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng regional directors at mga pinuno ng police offices at units na magsumite ng updated inventory ng mga sasakyang narekober sa kanilang mga operasyon.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., kasunod ito ng mga ulat na ginagamit umano ng ilang pulis sa personal na pangangailangan ang mga sasakyang kanilang narekober sa mga operasyon.
Binigyan ang mga regional directors at police unit heads ng hanggang Nobyembre 2 upang isumite ang kumpletong listahan ng mga sasakyang nasa kanilang kustodiya.
Tiniyak naman ni Nartatez na iimbestigahan ng PNP ang mga naiulat na iregularidad at pananagutin ang sinumang mapatunayang gumamit ng mga naturang sasakyan nang walang pahintulot.
Posible ring maharap sa administrative at criminal charges ang mga pulis na mapatutunayang sangkot sa hindi awtorisadong paggamit ng mga sasakyang nasa kustodiya ng kanilang tanggapan.











