--Ads--

Nagpasalamat ang ilang tricycle drivers sa natanggap nilang ₱5,000 na ayuda mula sa pamahalaan, na ayon sa kanila ay malaking tulong lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at krisis sa kabuhayan.

Ayon kay Ginoong Solero Silaran Jr., isa sa mga benepisyaryo, malaki ang naitulong ng nasabing ayuda sa kanilang pang-araw-araw na gastusin. Aniya, kahit papaano ay nakatulong ito sa pagbili ng pagkain, pambayad sa kuryente at tubig, at maging sa pagbili ng gasolina para sa kanilang pasada.

Dagdag pa niya, nakapagbigay ito ng kaunting ginhawa sa mga driver na araw-araw nagsusumikap kumita para sa kanilang pamilya.

Gayunpaman, hindi lahat ay nakinabang sa naturang programa. Ilang tricycle driver ang nagpahayag ng kanilang pagkadismaya matapos hindi makatanggap ng ayuda, kahit na naibigay naman umano nila ang lahat ng kinakailangang dokumento at requirements.

--Ads--

Ayon sa kanila, sa tinatayang halos 7,000 tricycle driver sa lungsod ng Cauayan City, nasa 5,000 lamang ang nabigyan ng nasabing tulong pinansyal.

Dahil dito, nananawagan ang mga hindi pa nakatatanggap na sana ay mabigyan din sila ng pagkakataong makasama sa listahan ng mga benepisyaryo.

Sa kabila nito, umaasa ang mga tsuper na magpapatuloy ang ganitong uri ng tulong mula sa pamahalaan upang maibsan ang kanilang pinansyal na suliranin at masuportahan ang kanilang kabuhayan.