--Ads--

Nagbigay ng mahalagang paalala ang Regional Training Center 2 o RTC2 sa mga pamilya ng mga bagong recruits, kasabay ng pagkilala sa dedikasyon at pagsusumikap ng mga ito sa kanilang pagsasanay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Colonel Edwelito Rosales, Chief ng RTC2, malaki ang papel ng pamilya sa tagumpay ng bawat recruit.

Iginiit niya ang kahalagahan ng maayos na ugnayan sa pagitan ng mga recruits at kanilang mga pamilya, lalo na sa pagbabahagi ng anumang suliranin o alalahanin na maaaring makaapekto sa kanilang pokus habang sumasailalim sa mahigpit na pagsasanay.

Paliwanag ng opisyal, ang training na pinagdaraanan ng mga recruits ay nangangailangan ng buong atensyon, disiplina, at matatag na kaisipan.

--Ads--

Aniya, ang anumang personal na problema ay maaaring maging hadlang sa kanilang paghubog at paghahanda bilang mga miyembro ng kapulisan.

Sa halip, hinikayat ni Rosales ang mga pamilya na magbigay ng sapat na suporta, pang-unawa, at inspirasyon sa kanilang mga anak na nasa training.

Dagdag pa niya, ang positibong komunikasyon at moral support mula sa pamilya ay malaking tulong upang mapanatili ang motibasyon ng mga recruits.

Samantala, pinuri rin ng opisyal ang mga bagong recruits sa kanilang ipinakitang dedikasyon sa pagsasanay.

Ayon sa kanya, makikita sa kanilang pagpupursige ang kahandaan na gampanan ang tungkulin na magsilbi at magprotekta sa publiko.

Patuloy naman ang RTC2 sa pagpapatupad ng mas pinaigting na training programs upang matiyak na ang mga recruits ay ganap na handa sa hamon ng pagiging pulis sa hinaharap.