Iginiit ng mga kongresista ng Makabayan bloc na hindi dapat si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co lamang ang managot sa umano’y anomalya sa mga flood control projects.
Ginawa nina ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, Gabriela party-list Rep. Sarah Elago, at Kabataan party-list Rep. Renee Co ang pahayag kasunod ng pagkakaaresto kay Co sa Prague, Czech Republic, na nagpapahiwatig umano na malapit na itong mapanagot.
Matatandaang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nahuli si Co matapos umanong tangkaing pumasok sa Germany nang walang kaukulang travel documents.
Dahil dito, inaayos na umano ng pamahalaan ang agarang pagpapauwi kay Co upang harapin ang mga kasong may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa flood control projects.
Binigyang-diin ng Makabayan bloc na hindi dapat mauwi sa “media spectacle” ang pagbabalik ni Co, kundi magsilbing simula ng mas malalim na pananagutan sa umano’y flood control scam at sa mas malawak na sistema ng korupsyon sa public works at budgeting.
Hinamon din ng grupo ang dating chairman ng House committee on appropriations na ibunyag ang lahat ng nalalaman nito upang mapanagot ang iba pang sangkot sa umano’y paglustay ng pondo ng bayan.
Bagamat walang pinangalanan ang mga mambabatas, iginiit nila na may mga paratang na isinangkot ng dating kongresista kina dating House Speaker Martin Romualdez at Pangulong Marcos.










