Tinanggihan ng Iran ang panibagong usapang pangkapayapaan sa Estados Unidos, ilang oras matapos ianunsyo ni US Pres. Donald Trump na magpapadala siya ng mga kinatawan sa Pakistan para sa negosasyon.
Batay sa ulat, nakatakdang dumating ang mga delegasyon ng US sa Pakistan bago matapos ang dalawang linggong ceasefire, ngunit sinabi ng Iran na hindi sila lalahok sa susunod na yugto ng pag-uusap.
Ipinaliwanag ng Iran na hindi sila sasali dahil sa tinatawag nilang excessive demands, pabago-bagong posisyon, magkakasalungat na mga pahayag, at patuloy na naval blockade ng US na kanilang itinuturing na paglabag sa ceasefire.
Una rito, nagbabala si Trump sa isang post na nag-aalok umano sila ng patas at makatwirang kasunduan at inaasahan niyang tatanggapin ito ng Iran, kung hindi ay iginiit niyang tatargetin ng Estados Unidos ang mga power plant at tulay sa bansa. Idinagdag pa niya ang matinding babala laban sa Iran.
Ayon sa White House, pinamunuan sana ni JD Vance ang delegasyon ng US kasama sina envoy Steven Witkoff at Jared Kushner.
Sa kasalukuyan, wala pang pahayag ang White House hinggil sa pagtanggi ng Iran habang nananatiling mataas ang tensyon at papalapit na ang pagtatapos ng ceasefire.











