--Ads--

Nagpahayag ng pasasalamat at pagmamalaki ang Lokal na Pamahalaan ng San Mateo matapos itong gawaran ng “Best Municipality in Sports” ng Schools Division Office o SDO Isabela, bilang pagkilala sa patuloy nitong pagsuporta sa pagpapaunlad ng sports sa kanilang bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Dan Estabillo, Municipal Sports Coordinator ng San Mateo Isabela, sinabi niya na patunay ang parangal na ito na nagbubunga ang kanilang mga programa para sa kabataan, partikular sa larangan ng palakasan.

Ipinunto rin nito na malaki ang naging papel ng koordinasyon at incentives na inilaan ng lokal na pamahalaan para sa masuportahan ang pagsasanay ng mga atleta na lumahok sa CAVRAA Meet 2026, kung saan nanguna ang San Mateo sa dami ng nagwagi.

Dagdag pa ng LGU, patuloy nilang palalakasin ang kanilang mga programa tulad ng pagpapagawa at pagpapahusay ng mga pasilidad pang-sports, pagbibigay ng incentives sa mga nananalong atleta, at pagsuporta sa mga grassroots training program upang mahubog ang susunod pang henerasyon ng mga manlalaro.

--Ads--

Binigyang-diin din ng lokal na pamahalaan na ang tagumpay na ito ay hindi lamang para sa LGU kundi para sa buong komunidad ng San Mateo, mula sa mga atleta, guro, coaches, hanggang sa mga pamilyang patuloy na sumusuporta sa kanilang mga anak.

Sa mga nakalipas na taon, patuloy na nakakamit ng mga atleta ng San Mateo ang tagumpay mula regional competitions hanggang sa pambansang entablado tulad ng Palarong Pambansa.

Sa huli, tiniyak ng LGU na hindi rito nagtatapos ang kanilang misyon. Sa halip, magsisilbi umano itong inspirasyon upang higit pang paigtingin ang kanilang adbokasiya sa sports development at patuloy na magbigay ng karangalan ang San Mateo sa lalawigan ng Isabela at sa buong bansa.